1 patay, 3 sugatan sa salpukan ng sasakyan

MANILA, Philippines - Isang Lola ang nasawi habang tatlo katao ang sugatan makaraang magsalpukan ang dalawang sasakyan sa Barangay Culiat, Quezon City kahapon ng madaling araw.      

Hindi pa makilala ng pulisya habang isinusulat ito ang namatay na matanda na tinatayang may edad na 65-70 anyos at 5’0 ang taas.

Kinikilala pa rin ang isang sugatang babae na ginagamot sa East Avenue Medical Center. Sugatan din sina Augustus Ceasar Elepano, 30, driver ng Ford Fierra (DPS-843); at Ramon Javier, 31, driver ng Toyota Corrola (TPC-570) at resi­dente sa Caloocan City.

Binabaybay umano ng Ford Fierra na minamaneho ni Elepano ang Central Avenue sa Barangay Culiat sakay ang Lola at isang ginang kung saan, pagsapit sa may tapat ng Forest Village, bigla na lamang sinalpok ang likuran nito ng humahagibis na Toyota Corrola na minamaneho ni Javier.

Sa lakas ng pagkakasalpok ng dalawa, nagpa-ikot-ikot ang Ford Fierra bago bumaligtad dahilan upang tumilapon ang matan­­dang babae pati ang kasamang babae na nakasakay dito.

Agad namang naisugod ang dalawang babae sa Kidney Hospital subalit hindi naisalba ang buhay ng matanda habang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang sugatang babaeng biktima.

Ang driver ng kotse at van naman na nagtamo ng galos at sugat ay isinugod din sa East Avenue Medical Center para malapatan ng lunas. (Ricky Tulipat)

Show comments