Masamang tumitig, itinumba
MANILA, Philippines - Isang nursing student na napagbintangang masamang tumitig ang pinagbabaril hanggang mapatay ng isa sa anim na lalaking kumompronta sa kanya sa Barangay Damayan, San Francisco del Monte, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan ang biktimang si Mar Jove Beltran, 24 anyos, estudyante ng Arellano University at residente ng Teachers Village sa Quezon City.
Natukoy naman ang suspek na bumaril kay Beltran na si Roberto Santos, alyas Obet, ng # 7 Santos St., Brgy. Damayan at itinuturing na lider ng grupo kasama ang mga alyas na Botchok, Fetus, Peke, Cloyd, at Boyong na ngayon ay tinutugis na ng pulisya.
Ayon kay PO2 Hermogenes Capili, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may Wilson St., Barangay Damayan bandang alas-11:00 ng gabi.
Nakikipag-inuman si Beltran sa kanyang mga kaibigan nang dumating ang mga suspek, nilapitan siya bago isa sa mga ito ang nagsabing “Yan, yung masamang tumitig.”
Kasunod nito, bigla na lamang binubog ng mga suspek si Beltran hanggang sa bumunot ng baril si Obet at pinagbabaril ang biktima.
Matapos isagawa ang krimen, sabay sabay na umalis ang mga suspek sakay ng dalawang tricycle na ang isa ay may tatak na Damapatoda na pawang for registration. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending