Gang war sa Tondo, tututukan
MANILA, Philippines - Inilunsad na ng Manila Police District (MPD) ang malawakang operasyon laban sa mga gang ng kabataan dahil na rin sa patuloy na pagsasagupa at dalang kaguluhan ng mga ito sa mga lugar sa Tondo, Manila.
Ayon kay Supt. Ernest Tendero ng MPD Station 6, ipinag-utos na niya sa kanyang mga tauhan ang mahigpit na pagpapatrulya sa kanilang nasasakupan partikular na sa gabi at sa bagong “hot spot” ng lugar sa panulukan ng Masangkay at Severino Reyes, Sts. sa Bambang, Tondo dahil na rin sa walang patid na pagrarambulan ng magkakalabang grupo ng mga kabataan.
Iniiwasan umano ng mga awtoridad na lumala pa ang away makaraang mapabalita na malalakas na kalibre na ng baril at ilang mga “pengun” ang gamit ng mga magkaaway na grupo.
Nagbabala naman si Tendero sa mga kabataan na miyembro ng mga gang na kaagad silang aarestuhin at ipakukulong sa sandaling ipagpatuloy nila ang gulo sa nasabing mga lugar.
Nangangamba rin ito na posibleng madamay ang ibang sibilyan sa lugar sa sandaling sumiklab ang gang war dito. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending