MANILA, Philippines - Patay ang isang 22-anyos na tricycle driver makaraang barilin ng sumpak ng isang vendor sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Supt. Crisostomo Mendoza, hepe ng Batasan Police Station 6 ang biktima na si Jonard Garganera, ng Katuparan St., Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Si Garganera ay namatay habang nilalapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center (EAMC) dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang tumakas na suspek na si Onya Caimpre, 22, fish ball vendor at residente ng Everlasting St., Payatas, Quezon City.
Base sa report, pasado alas-8:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa kahabaan ng Everlasting St. sa nasabing Barangay.
Nagpapasada umano ang biktima ng kanyang tricycle nang biglang harangin ng suspect at walang sabi-sabing tinira ito ng sumpak sa katawan. Hindi naman malinaw kung ano ang motibo sa isinagawang krimen. (Angie dela Cruz)