Dahil sa tilaok ng manok magnanakaw, timbog
MANILA, Philippines - Dahil sa pagtilaok ng mga manok, isang binata ang nadakip matapos magising ang may-ari ng mga panabong na manok na ninanakaw ng una sa Valenzuela City kahapon ng umaga.
Nakilala ang suspek na si Carlito Santos, 27, ng Mansanas St., Bagong Barrio, Caloocan City.
Sa pahayag ni Severino Francisco, 70, ng Francisco St., Parada ng lungsod, dakong alas-4 ng umaga, nagising siya nang tumilaok ang kanyang mga manok na panabong.
Nakaugalian na ng biktima na bumaba upang bisitahin ang kanyang mga alagang manok sa tuwing tumitilaok na ang mga ito. Laking gulat ng biktima nang makitang bitbit ng suspek ang dalawa sa kanyang mga panabong na naging dahilan upang magsisigaw ito.
Narinig naman ng mga kapitbahay ang paghingi ng saklolo ng biktima na naging dahilan upang habulin at madakip ang papatakas na suspek at mabawi ang ninakaw nitong mga manok. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending