Driver ng van na nakapatay sa Ateneo pupil, kinasuhan din ng carnapping
MANILA, Philippines - Kinasuhan ng pagnanakaw ng isang balikbayan sa Quezon City Prosecutor’s Office ang babaeng driver na nakapatay sa isang 10-anyos na pupil ng Ateneo Grade School noong Pebrero 24, 2009.
Sa dalawang-pahinang reklamo sa korte ni Virginia Ibali, 54, American citizen ng Pasuquin, Ilocos Norte at may bahay din sa San Francisco del Monte, QC, sinabi nitong ninakaw sa kanya ng akusadong si Ma. Theresa Songco Torres ang kanyang van na gamit ng akusado nang mabangga ang batang si Juan Carlo Miguel “Amiel” Alcantara sa naturang paaralan.
Sa ngayon ay naka-pending ang kasong reckless imprudence resulting to homicide at physical injuries laban kay Torres sa korte dahil sa pagka matay ng batang si Alcantara.
Sinabi ni Ibali na nakita niya sa news sa TV noong Marso 2, 2009 habang siya ay nasa probinsiya ang insidente at dito nalaman na ang kanyang van na isang Toyota Hi-Ace 2000 model na may plakang CRW 705 ang sangkot sa aksidente at minamaneho ni Torres.
Ayon pa kay Ibali, huli niyang nakita ang kanyang van noong Enero 20, 2009 nang iwan sa kanyang bahay sa Quezon City at noon lamang niya huli itong nagamit sa Metro Manila.
Sinabi ni Ibali na hindi niya ibinebenta ang kanyang sasakyan at wala siyang permiso na gamitin ito ni Torres ang kanyang sasakyan at noon ay nalaman na lamang sa mga kapitbahay niya na wala ang sasakyan sa kanyang bahay sa Quezon City.
Sa ngayon anya, nakapangalan pa rin sa kanya ang sasakyan na nasangkot sa aksidente batay sa tala ng Land Transportation Office.
Anya, naireklamo na niya sa Ilocos Norte Police ang pagkawala noon ng kanyang sasakyan, gayundin sa QC police noong nakaraang taon.
Ang kanyang van ay naka-impound sa QC police sa kasalukuyan. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending