MANILA, Philippines - Nabulabog ang pagpupulong ng ilang politiko sa lungsod Quezon, matapos na isang lalake na nagpakilalang bodyguard umano ng isang konsehal ang nag-amok at nagpaputok ng kanyang baril dito kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Superintendent Crisostomo Mendoza, hepe ng QCPD-Sta tion 6, dahil dito, may ilang tahanan ng mga residente ang nagkabutas-butas, subalit wala namang iniulat na nasaktan sa nasabing pagpapaputok.
Kinilala ang suspek na si Melchor Tugade, 48, ng Kalayaan B, Batasan Hills na nahaharap ngayon sa patung- patong na kasong alarm scandal, illegal possession of firearm, illegal discharge of a firearm, direct assault of a person in authority at paglabag sa Omnibus Election Code.
Ayon kay Mendoza, si Tugade ay nagpakilalang bodyguard ni Councilor Allan Francisco ng 2nd district, pero giit ng opisyal ay posibleng ginagamit lamang ang konsehal ng suspek dahil lasing ito ng madakip.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may Batasan Hills, Brgy. Payatas ganap na alas-8:30 ng gabi habang sina Councilor Winnie Castelo ng 2nd district at mga suporters ay nagmi-miting sa covered court dito.
Sinasabing nakatakda sanang magsalita sa nasabing meeting si Liberal Party-QC Vice Mayoralty candidate Joy Belmonte.
Si Tugade na naninirahan sa nasabing lugar ay biglang lumabas na armado ng isang improvised pistol na puno ng bala at biglang nagpaputok sa ere, at minsan ay iniuumang din ang baril sa mga residente.
Ilang sandali, dumating ang mga rumespondeng barangay opisyal sa lugar, ngunit nabigo umano ang mga itong patigilin si Tugade sa pagpapaputok ng baril.
Sa pagkakataong ‘yon, si Castelo at kanyang mga suporters ay na-trapped sa loob ng covered court at hindi magawang makalabas dahil sa komosyon.
Ayon kay Mendoza, maging si Joy ay hindi na nagawang makapunta sa nasabing lugar dahil sa nasabing pangyayari.
Nang dumating ang mga rumespondeng pulis, tinangka pa umanong manlaban ni Tugade ngunit mabilis din itong napigilan at dinala sa na sabing himpilan. Narekober dito ang isang paltik na pistola na may tatlong bala ng M-16 armalite rifle. (Ricky Tulipat)