MANILA, Philippines - Kakalingain ni Quezon City Vice Mayoralty candidate Joy Belmonte ang mga nagsipagtapos sa lungsod na hanggang sa ngayon ay wala pang nakikitang trabaho.
Ayon kay Belmonte, bukas ang tanggapan ng Ilaw ng Bayan Foundation at QC Ladies Foundation para sa mga nagsipagtapos na taga-QC ng alinmang kurso upang mabigyan ang mga ito ng pagkakataong kumita batay sa kanilang napag- aralan at kakayahan.
Alam niya umano na sa ngayon ay tumaas ang bilang ng graduates na walang makuhang trabaho dahil sa tindi ng kompetisyon. Idagdag pa rito na marami talaga ang mga nagsarang kompanya at pabrika.
“Puwede natin silang gawing tutor, puwede rin natin silang patulungin sa mga health centers at sa iba pang gawain sa QC hall at maaaring hingin natin sa city government ang allowance nila”, pahayag pa ni Joy.
Bukod dito, maaari din anyang mabigyan ng kaalaman ang mga ito na gumawa ng ilang livelihood projects tulad ng paggawa ng sabon, bags, sausages, cakes at iba pa para makapagsimula sa isang maliit na negosyo sa tulong ng naturang mga foundation na kanyang pinangangasiwaan.
Ang hakbang ay bahagi ng kampanya ni Joy Belmonte na maiangat ang kabuhayan ng mga taga-QC lalo na ang mahihirap. (Angie dela Cruz)