Ivler swak na sa Quezon City jail
MANILA, Philippines - Didiretso sa Quezon City jail si Jason Ivler paglabas na paglabas nito sa pagamutan.
Ito ay makaraang aprubahan ni QC -RTC Judge Alexander Balut ng Branch 76 ang petisyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na agad mailipat sa kulungan si Ivler sa oras na umayos na ang lagay nito.
Si Ivler ay kasalukuyan pa ring ginagamot sa Quirino Memorial Medical Center makaraang tamaan ng bala matapos na manlaban sa mga ahente ng NBI na umaresto sa kanya sa bahay nito sa Blue Ridge sa Quezon City.
Pinasalamatan naman ng NBI ang desisyon ng korte hinggil dito.
Kaugnay nito, inatasan ng korte ang mga doktor sa QMMC na magsumite ng medical report ni Ivler sa loob ng limang araw para malaman ang kondisyon nito sa kasalukuyan.
Samantala, itinakda na rin ng QC-RTC ang pagbasa ng demanda laban kay Ivler sa darating na Pebrero 9 sa sala ni Judge Balut.
Ito ay upang bigyan pa ng sapat na panahon si Ivler para makapagpagaling sa kanyang tinamong sugat.
Si Ivler, 28 ay sinasabing nasa likod ng pamamaslang kay Renato Victor Ebarle Jr., anak ni Presidential Undersecretary Renato Ebarle Sr. noong Nobyembre 18, 2009 dahil sa away sa trapiko.
- Latest
- Trending