MANILA, Philippines - Naaresto ang dalawang miyembro ng isang sindikatong nagpapakalat at nagbebenta ng pekeng US dollars at nasamsaman din ng 1,400 piraso ng ‘US$100 bills’ na umaabot sa katumbas na halagang US$140,000 (P6.4 milyon) sa Pasay City.
Sa ulat ni National Bureau of Investigation Di rector Nestor Mantaring, nadakip sa buy-bust operation ang mga suspek na sina Jesus Tolentino de Leon, 54, ng Sta. Rosa, Laguna at Ernesto Clavio Pascual, 53, ng Molino 2, Bacoor, Cavite. Inalok umano ang isang informer ng mga suspek na may ibebenta silang 20 bundles ng US$100 bills na may tig-100 piraso ang bawat bundle at ang transaksyon ay itinakda noong Enero 21.
Sa sertipikasyon na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas, lumabas sa inisyal na pagsusuri na pawang peke ang mga dolyares. Sinampahan na kahapon sa Pasig Prosecutor’s Office ng kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code ang dalawa. (Ludy Bermudo)