Jason at Marlene dinagdagan ng kaso
MANILA, Philippines - Naghain na kahapon ng karagdagang mga kasong kriminal ang National Bureau of Investigation laban sa mag-inang Marlene Aguilar at Jason Ivler sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Si Ivler ay ipinagharap ng complex crime ng di rect assaults with frustrated murder at complex crime of direct assaults with attempted murder bilang principal suspect habang ang inang si Marlene naman ay accomplice naman sa mga kasong nabanggit kaugnay sa naganap na pag-aresto na nauwi sa pagkasugat sa dalawang ahente ng NBI sa loob ng kanilang tahanan sa Blue Ridge Subdivision noong Enero 18.
Dalawang ahente ng NBI ang nasugatan nang makipagbarilan si Ivler sa mga awtoridad na umaaresto sa kanya.
Hindi na umano inihain pa ang kasong illegal possession of firearms dahil nakaugnay na umano ito sa kasong indirect assaults.
Si Marlene naman ay nadawit sa mga kasong kriminal nang makuhanan siya ng earpiece gadget na ginamit sa komunikasyon niya kay Ivler habang nagaganap ang operasyon noong Enero 18.
Kaugnay nito, sinabi ni NBI Director Nestor Mantaring na hindi pa lusot sa kaso si Asian Development Bank British consultant Stephen Pollard, ang stepfather ni Ivler. Pinadalhan nila ito ng summon upang magtungo sa Huwebes sa NBI para magbigay-linaw sa insidente.
Samantala nilinaw ng NBI na mali ang isinisigaw ng folk singer na si Freddie Aguilar, tiyuhin ni Ivler, na ‘foul’ o ‘illegal search’ ang pagpasok sa kanyang tahanan sa New Manila, Quezon City ng NBI operatives nang hanapin si Ivler.
“Ang mga nagtungo doon ay hindi naman search warrant ang dala kundi warrant of arrest at lehitimo ang operasyon,” ani Head Agent Ross Bautista, executive officer ng Office of the Intelligence Services.
Napaulat din na wanted din si Ivler sa drug trafficking sa United States umano. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending