Kotse ng anak ng ex-DAR chief niratrat sa holdap

MANILA, Philippines - Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang anak na dalaga ni dating Department of Agrarian Reform Secretary Philip Juico matapos na pag­ba­barilin ang sinasakyan nitong kotse ng isang armadong suspek sa naganap na pangho­holdap sa kanya sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Lina Marie Juico, 26, ng No. 34 Cooper St., Brgy. Paraiso, San Fran­cisco del Monte, Quezon City.

Pinagbabaril muna ang mimamanehong sasakyang Honda I-Vtec (NKI-317) ni Juico bago tinangay ang dala nitong bag na nagla­laman ng P40,000.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente sa may harap mismo ng gate ng bahay ng biktima pasado alas-10 ng umaga. Bago nito, kawi-withdraw lamang ng bik­tima sa may Bank of the Philippine Island-West Branch nang sundan ito ng suspek.

Pagsapit sa nasabing gate ng bahay ay saka kumuha ng tiyempo ang suspek at niratrat ang sasakyan ng biktima.

Matapos ang pamamaril, agad na bumaba ang suspek saka binasag ang salamin ng kotse ng biktima bago puwersahang kinuha ang handbag sa huli na naglalaman ng pera at tumakas.

Sa pamamaril sa biktima, suwerteng hindi ito tinamaan ng bala sa katawan. (Ricky Tulipat)

Show comments