MANILA, Philippines - Mananatili pa ng ilang araw sa ospital si Jason Aguilar Ivler upang tuluyang gumaling ang sugat na natamo nito sa kanyang katawan.
Ito ang sinabi ni Dr. Fernando Lopez, head ng Quirino Memorial Medical Center surgery department, dahil sa apektado pa umano ang sugat sa likod na iniinda ngayon ni Ivler.
Ayon kay Lopez, medyo infected pa anya ang sugat na pinaglabasan ng bala sa likod ni Ivler kaya kailangan pa ng ilang araw na pagsusuri o gamutan para tuluyang matiyak na magaling na ito.
Iginiit ni Lopez na inaasahan na ang matagal pang pananatili ni Ivler sa ospital dala na rin ng sugat na taglay nito matapos ang madugong pakikipaglaban nito sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation kamakailan.
Samantala, kaugnay naman sa posibleng paglipat kay Ivler sa ibang ospital, ayon kay Lopez, ang ganitong isyu ay depende anya sa otoridad at sa magulang ni Ivler.
Si Ivler ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Renato Ebarle Jr., anak ni Malacañang Undersecretary Renato Ebarle Sr., noong Nobyembre 18, 2009. (Ricky Tulipat)