Nene minolestiya ng lolong sorbetero

MANILA, Philippines - Isang 70-anyos na sorbetero ang ipinaaresto sa pulisya dahil sa umano’y pagmomolestiya niya sa isang grade 2 pupil sa loob ng isang banyo sa Isabelo delos Reyes Elementary School sa Maynila.

Kinilala sa ulat kahapon ng pulisya ang suspek na lubhang mahina na sa sobrang katandaan na si Marciano Regado Jr. na isa ring volunteer janitor sa naturang paaralan.

Pormal na naghain ng reklamo sa Manila Police District-(Raxabago) Station 2 ang ina ng siyam na taong gulang na biktima.

Isang pinsan ng biktimang itinago sa alyas na Chin-Chin ang unang nagsumbong sa kanyang ina nang makita niyang inaabutan ni Regado ng sorbetes at P100 ang biktima.

Nagduda ang pinsan ng biktima kaya noong Huwebes, dakong 12:00 ng tanghali, sinundan niya si Chin-Chin sa banyo ng paaralan kasama ang suspek. Naabutan niyang hinuhubaran ang biktima ng pang-ibaba.

Inamin umano ng bata na binibigyan siya ng pera at ice cream at hinuhubaran, hinahawakan ang maselang parte ng katawan at hinahalikan.

Sa pulisya, sinabi ng suspek na madalas lamang umano sa kaniya magpasama ang biktima kapag magpupunta sa CR.

Kahit kilalang mabait umano ang matanda sa mga estudyante, duda pa rin ang mga magulang ng bata kung bakit ang suspek ang kasama sa CR. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments