Stepdad ni Ivler inabsuwelto ng NBI
MANILA, Philippines - Halos inabsuwelto ng National Bureau of Investigation ang foreign diplomat na si Stephen Pollard sa kaso ng kanyang stepson na si Jason Aguilar Ivler.
Ito ang nahiwatigan sa tagapagsalita ng NBI na si Atty. Ric Diaz sa gitna ng panawagang dapat ding masangkot sa asunto ni Ivler ang amain nitong si Pollard na isang British consultant sa Asian Development Bank at asawa ng ina ni Ivler na si Marlene Aguilar.
Naniniwala ang NBI na hindi dapat sisihin si Pollard kung ginamit ni Ivler ang kanyang sasakyan na nasangkot sa pagpatay ng huli kay Ranto Victor Ebarle Jr. sa away-trapiko noong Nobyembre 18, 2009.
Hindi rin kinagat ng NBI ang mga paratang ni Marlene na ang British bodyguard niyang si Mark Hauser ang may kagagawan ng pamamaril kay Ebarle Jr.
Ayon kay Atty. Romulo Asis, executive officer ng Office of the Intelligence Services ng NBI, walang ebidensiyang magpapatunay na si Hauser ang bumaril kay Ebarle.
Kaduda-duda na sa nakalipas na mahigit dalawang buwan ay ngayon lamang nagsalita si Marlene hinggil kay Hauser at kung kailan naisampa na sa korte ang kasong murder laban sa kanyang anak. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending