Binata na-sandwich ng trike at jeepney
MANILA, Philippines - Patay ang isang 17-anyos na binata matapos na maipit sa nagsalpukang tricycle at pampasaherong jeepney sa lunsod Quezon kamakalawa.
Ang biktima ay kinilalang si Pedmars Ubang, ng Malambing St., Diliman sa lunsod.
Nasa kustodiya naman ng Traffic Sector 3 ng Quezon City Police ang driver ng pampasaherong jeepney na si Rostiniano Buquiran, 42.
Ayon sa ulat, nakabanggaan ng jeepney ang tricycle na minamaneho ni Benjie Garcia, 21, kung saan pasahero ang biktima.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Kalayaan Avenue corner V. Luna Road, pasado alas-12 ng madaling- araw. Diumano, galing sa Kamias ang jeepney (PXZ-211) ni Buquiran habang galing naman sa Maparaan St., patungong V. Luna Road ang tricycle (TX-5662) ni Garcia, kung saan pagsapit ng mga ito sa nasabing lugar ay biglang sinalpok ng una ang huli.
Sa lakas ng pagkakabangga, nayupi ang unahang bahagi ng tricycle dahilan upang tamaan ang pasaherong si Ubang at magtamo ito ng labis na pinsala sa katawan.
Agad na isinugod ang biktima sa East Avenue Medical Center ngunit idineklara din itong dead-on-arrival. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending