QCPD umaray sa isyung pagsibak sa 37 nilang tauhan
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng pamunuan ng Quezon City Police na hindi sinibak sa kanilang mga puwesto ang 37 opisyal nila bunga ng umano’y kapabayaan sa paghawak sa kaso ni Jason Ivler na naaresto ng tropa ng NBI kamakailan.
Ayon kay Chief Superintendent Elmo San Diego, Quezon City Police District director, wala umano silang natatanggap na “relieved order” mula sa higher headquarters ng PNP kung kaya hindi totoo na sinibak na ang mga ito sa kanilang posisyon.
“As of this time, no relief order has been issued by higher headquarters but we have already recommended that the 37 officers and men undergo refresher courses on field surveillance and tracking operations to re-sharpen their skills, which is standard operating procedure when such lapses are alleged,” ani San Diego.
Sabi ng opisyal, maliban sa aktwal na pagdakip kay Ivler na ginawa ng NBI, ang QCPD anya ang nanguna sa pag-imbestiga sa Ivler-Ebarle case, kung kaya nakapag-palabas ang korte ng warrant of arrest na siya namang ginamit ng NBI at iba pang law enforcement sa paghahanap sa suspect.
Giit ni San Diego, binibigyan nila ng kredito ang NBI sa matagumpay na operasyon pero ang pagkakadakip kay Ivler anya ay pinagtulung-tulungan ng mga law enforcement agencies at pangkalahatang criminal justice system na umiiral sa bansa.
Inatasan na rin anya ni San Diego, na magsagawa ng parallel investigation sa pamamagitan ng pagbuo ng Special Task Group at district level para masiguro na mayroon ngang pagkukulang sa operasyon kay Ivler kung saan ang nagkasala ay may katapat na administrative sanctions.
Aksyon ito ng QCPD matapos mapaulat na 37 QCPD official ang sinibak sa kanilang tungkulin ni PNP chief Director General Jesus Verzosa bunga ng umano’y kapabayaan sa paghawak ng kaso ni Ivler. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending