Guro inireklamo nang pananampal ng pupil
MANILA, Philippines - Dumulog sa tanggapan ng Manila Social Welfare Department ang isang batang lalaki na sinampal at pinabalik sa grade 1 ng guro at principal ng paaralang P. Gomez Elementary School.
Kasama ng kanyang inang si Judy P. Saulo ng #1017 P. Guevarra St., Sta. Cruz, Maynila, hinihingi nito ng tulong at katarungan para sa anak na si John Jefferson Saulo, 8, kay MSWD chief Jay dela Fuente na maparusahan ang gurong si Ms. Prima Balmes at principal na si Mrs. Corona.
Sa salaysay ng ina ng bata ay Oktubre 23 noong nakaraang taon nang umuwi si John mula sa paaralan na may pasa sa mukha. Agad namang sinabi ng bata na sinampal siya ng kanyang guro na si Ms. Balmes.
Pero sa paliwanag ng nasabing guro sa isang liham na pinadala nito kay Manila Mayor Alfredo S. Lim, sinabi nito na hindi niya sinampal ang bata bagama’t inamin nito na hinawakan niya sa baba ang bata at ihinarap nito ang mukha sa kaniya habang tinatanong kung bakit nito sinuntok ang kaklase na nakilala sa pangalang Phamels.
Itinanggi ni Balmes sa liham kay Lim na hindi niya sinaktan ang bata. Ngunit lalong bumigat ang loob ni Judy nang sa halip na pagkalooban siya ng tulong ay ibinalik umano ni Mrs. Corona si John sa grade 1.
Ayon kay Judy, paliwanag umano ni Corona na mahina sa klase ang kanyang anak kung kaya’t dapat lamang na ibalik sa grade 1 at bibigyan na lamang ng tutorial.
Ngunit sinabi ni Judy na bagama’t mahina sa English ang kanyang anak, nakakabasa at nakakasulat naman ito. Dahil dito, sinabi ni dela Fuente na sakaling mapatunayan na nagkasala ang guro ng pananakit gayundin ang principal sa maling desisyon nito ay mahaharap ito sa kasong administratibo na magiging dahilan ng pagkakatanggal sa trabaho at pagkakahinto ng mga benepisyo. (Doris Franche)
- Latest
- Trending