MANILA, Philippines - Patay ang isang negosyanteng Tsinoy matapos na patraydor na pagbabarilin ng isang hindi kilalang lalaki sa loob ng isang subdivision sa lungsod Quezon City, kahapon ng madaling- araw.
Tatlong tama ng bala sa katawan ang tumapos sa buhay ng biktimang si Arthur Go-Ang, 48, ng Bataan St., Ayala Heights sa lungsod.
Habang tanging pagsasalarawan lamang sa suspek na nasa edad na 27, may taas na 5’3’’, payat, ang nakuha ng mga awtoridad.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may Don Victorino Extension corner Don Victorino Heights, Brgy. Holy Spirit ganap na alas-12:15 ng madaling-araw.
Diumano, kapaparada pa lamang ng negosyante sa kanyang Chevrolet Trailblazer (XTH-347) sa tapat ng bahay ng kanyang kaibigan sa nasabing lugar nang lapitan ito ng salarin at pagbabarilin.
Kahit sugatan, nagawa pang makatakbo ng biktima at makahingi ng saklolo sa isang motoristang si Samson Gonzalo, para isugod siya sa ospital. Pero hindi pa sila nakakalayo ay dumating ang isang Michale Lim, na kaibigan daw ng biktima at sumamang maitakbo nila sa Gen. Malvar Hospital ang huli ngunit hindi na rin ito umabot pa ng buhay. Sinasabing bago nangyari ang pamamaril ay kagagaling lang umano ng biktima sa isang casino kasama ang nasabing kaibigan.
Isinantabi naman ng awtoridad ang anggulong holdap dahil intact ang pera at gamit ng biktima. Gayunman, posibleng anyang may kinalaman sa negosyo ng biktima ang naturang insidente. (Ricky Tulipat)