MANILA, Philippines - Hihingi umano ng ayuda si Marlene Aguilar-Pollard, ina ni Jason Ivler sa embahada ng Amerika para tulungan ang anak sa problemang kinakaharap nito sa kasalukuyan.
Reaksyon ito ni Aguilar nang muli siyang dumalaw sa anak na si Jason sa Quezon City Memorial Medical Center (QCMMC) kahapon ng umaga kasama ang kanyang asawang British National na si Stephen Pollard.
Sa panawagan ni Marlene sa US embassy, iginiit nito na bilang dati nilang sundalo at American citizen na nakipaglaban sa Iraq nagsusumamo siyang tulungan ang anak sa problemang kinakaharap nito.
Tanging ang tulong galing lamang umano sa nasabing bansa ang kanilang tiyansa para maibsan ang pasaning dinadala ng kanilang anak.
Bukod dito, naglabas din ng sama ng loob si Marlene kaugnay sa lumabas ng video sa Youtube na nagpapakita ng umano’y pagmamaltrato ng ahente ng NBI sa kanyang anak kahit ito ay sugatan at naaresto na nila.
Ayon kay Marlene, tinatrato umanong parang hayop si Ivler habang sugatang isinasakay sa sasakyan, bukod pa dito ang paghampas ng baril sa mukha ng kanyang anak habang tinatadyakan ang tiyan nito matapos na maaresto. (Ricky Tulipat)