MANILA, Philippines - Sa pag-aakalang ninanakawan siya ng panindang isda, pinagsasaksak ng isang fish vendor ang dalawa nitong kostumer kung saan isa ang patay habang isa naman ang malubhang nasugatan sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Nasawi habang ginagamot sa Orthopedic Hospital ang biktimang si Ariston Pelaez, alyas “Aries”, truck helper at stay-in sa LPA Trucking Service na matatagpuan sa Brgy. Teresita sa lungsod. Habang ang kasamahan nito na si Jay-Jay Sonio, 19, ng nasabi ring lugar ay ginagamot naman sa East Avenue Medical Center dahil sa matinding sugat na natamo sa katawan.
Mabilis namang tumakas at ngayon ay tugis na ng awtoridad ang suspek na si Dominic Villabrille, 23, ng 75 Iba St., Brgy. Sta. Rita sa lungsod.
Sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa loob ng Suki Market na nasa Mayon St., ng nasabing barangay ganap na alas-6 ng gabi.
Bago ito, namimili umano ng isda ang mga biktima sa nasabing palengke nang madaan ang mga ito sa tindahan ng suspek. Dahil may nahulog na isda sa lapag, pinulot ito ng mga biktima sanhi upang akusahan ang mga ito ng suspek na nagnanakaw ng kanyang paninda. Nauwi ito sa mainitang pagtatalo sa magkabilang panig.
Nasa kainitan ng pagtatalo nang dumampot ng kutsilyo ang suspek at inundayan ng saksak si Pelaez sa sikmura sanhi upang agad na bumulagta ito. Matapos saksakin si Pelaez sinunod naman ng suspek si Sonio na nagtamo ng saksak sa dibdib, bago mabilis na tumakas.
Agad namang itinakbo ang dalawang biktima sa Orthopedic hospital kung saan binawian ng buhay si Pelaez. (Ricky Tulipat)