Taas pasahe sa taxi, ihihirit sa LTFRB
MANILA, Philippines - Hihirit ng taas pasahe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga taxi operators dahil sa isa na namang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sinabi ni Philippine National Taxi Operators Association (PNTOA) president Manuel Suntay, igigiit na nila ang fare hike sa LTFRB dahil hindi na nila makayanan ang patuloy na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo gayung kakarampot ang kita sa pasada ngayon ng mga taxi.
May anim na taon na anya silang hindi humirit ng fare hike bagamat patuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo taun taon.
“Pina-finalize namin ang draft ng petition. Within the week maisusumite na namin ito. Sana maintindihan ito ng mananakay namin,” pahayag ni Suntay.
Noong taong 2008 anya ang grupo ay nagplanong humingi ng taas pasahe sa taxi sa pamamagitan ng pagtataas ng flagdown rate na mula P30 hanggang P40 pero dahil maraming unit ang gumamit ng LPG hindi ito natuloy.
Gayunman, sa ngayon kahit Auto-LPG ay tumaas na rin ang presyo kaya’t hihingi na sila ngayon ng taas pasahe.
Binigyang-diin ni Suntay na ang mga pampasaherong jeep at bus ay may 4 na beses nang nagtaas ng pasahe mula taong 2004, gayung ang taxi ay hindi pa natataasan ng pasahe.
Sa ngayon umaabot sa P30 ang flagdown rate ng taxi.
- Latest
- Trending