MANILA, Philippines - Nasa malubhang kalagayan ngayon ang isang abogado makaraang saksakin ng isa sa dalawang magnanakaw na nanloob sa kanyang bahay matapos na magising ang biktima at matiyempuhan ang mga salarin kahapon ng madaling-araw sa Bagong Barrio, Caloocan City.
Inoobserbahan sa Manila Central University Hospital sanhi ng saksak sa tiyan ang biktimang si Christopher Beltran, 50, residente ng Gen. Tinio st., Bagong Barrio.
Nabatid na nakuha ng mga magnanakaw ang isang cellphone at P4,000 cash ng anak ni Beltran nang pasukin ang kuwarto nito. Sinunod na pinasok naman ng mga magnanakaw ang kuwarto ng biktima na nagising nang makarinig ng mga kaluskos. Inagapan naman ng mga magnanakaw na hindi makahingi ng saklolo ang biktima nang agad na saksakin sa sikmura bago mabilis na nagsitakas. (Danilo Garcia)