Kandidato dadamputin sa iligal na bodyguard
MANILA, Philippines - Nagbanta si National Capital Region Police Office Chief Director Roberto Rosales na aarestuhin nila ang mga kandidato sa lokal at pambansang halalan na mapapatunayang iligal na nagmimintina ng mga armadong bodyguard.
Pinayuhan ni Rosales ang mga kandidato at maging mga pribadong indibidwal na nais umupa ng mga armadong bodyguard o security personnel na magtungo muna sa kanilang tanggapan at kumuha ng permiso sa Joint Security Control Center.
Ito ay base sa nakasaad sa Commission on Elections Resolution No. 8714 na nagsasaad na lahat ng proseso at aplikasyon para sa Temporary Security Detail ng mga kandidato o pribadong indibidwal ay kinakailangang idaan muna sa JSCC.
Hinimok din ng NCRPO chief ang publiko na iulat sa JSCC na itinayo sa bawat lungsod at munisipalidad sa Metro Manila o itawag sa numero 838-3353/3203 ang sinumang kandidato o pribadong indibiduwal na hinihinalang may iligal na mga security personnel. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending