Paslit tupok sa sunog

MANILA, Philippines - Isang limang-taong gulang na batang babae ang nasawi habang sugatan ang tatlong iba pa nang matupok ang may 500 kabahayan sa isang squatters’ area sa Baseco Compound, Port Area, Manila kamakalawa ng gabi.

Naapula na ang apoy nang madis­kubreng patay ang biktimang si Erica Joy Valdez sa mismong kinatirikan ng kanilang bahay sa 139 Block 1 Gasangan Area, Barangay 649, Baseco Compound.

Sugatan naman sina Jesus Litado, 17; Ruben Desolo, 24; at Rechita Saleleng, 32, na pawang nalapnos ang mga balat nang balikan ang kanilang mga kagamitan sa nasusunog na kabahayan.

Sa ulat ni SFO2 Emmanuel Gaspar ng Manila Fire District, ang katawan ng bik­tima ay nakuha sa ilalim ng nakasalansan na sunog na mga yero dakong alas-2 ng madaling-araw kahapon.

Hinanap umano ang bangkay matapos mag-report ang ina ng biktima na si Juliet Valdez na nagsabing nataranta siya at nilisan ang nasusunog nilang bahay habang naiwan ang anak. Naalimpu­nga­tan umano ang ina kaya hindi naisip na isama ang anak.

Nabatid na nagsimula ang sunog dakong alas-9:45 ng gabi na umabot sa Task Force Delta at idineklarang fire out dakong 11:22 ng gabi noong Sabado.

Show comments