MANILA, Philippines - Isa ang patay samantalang isa pa ang sugatan matapos na masangkot sa gulo ang grupo ng magkakaibigan sa loob ng isang resto bar kahapon ng madaling-araw sa Ermita, Maynila.
Namatay habang ginagamot sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si Roderick Torres, 22, construction worker, at pansamantalang nanunuluyan sa UPM-PGH Faculty and Medicine Arts Building sa Taft Avenue, Ermita, Maynila, dahil sa tinamong tama ng saksak sa dibdib. Sugatan naman ang kasamahan nito sa trabaho na si Glenn Rejano, 24, isa ring construction worker.
Batay sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa loob ng Bahay Kubo Resto Bar na matatagpuan sa 1464 Leon Guinto St., Ermita, Maynila.
Bago ang krimen, nabatid na nagkayayaan umano ang mga biktima at mga kasamahan nitong obrero, na sina Allen Ruzco at Christian Abel, na mag-inuman sa nabanggit na resto bar na malapit lamang sa kanilang pinagtatrabahuhan.
Matapos makaubos ng may 15 bote ng beer, nagtungo umano sa comfort room si Torres para umihi, ngunit habang naglalakad ay di sinasadyang nasagi nito ang isa sa mga suspek na nag-iinuman rin sa naturang lugar.
Nauwi sa pagtatalo ang insidente hanggang sa bumalik na lamang sa kanilang mesa ang biktima ngunit napansin nitong masama umano ang tingin sa kanila ng mga suspek na nasa kabilang mesa lamang.
Dahil dito, inutusan umano ni Torres, sina Ruzco at Abel, na lumabas at humingi ng tulong sa kanilang mga kasamahang construction worker na nagtatrabaho din sa UPM-PGH.
Si Rejano naman ay tumayo na para bayaran na ang kanilang bill ngunit nagulat umano ito nang may biglang sumuntok sa kanyang mukha. Agad umanong nagtatakbo palabas ng resto bar si Rejano ngunit paglingon nito ay nakitang duguan na si Torres.
Mabilis namang nagsitakas ang mga di- kilalang suspek at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad. (Gemma Amargo-Garcia)