MANILA, Philippines - Bilang hakbang sa kampanya ng Bureau of Immigration (BI) na decentralization nagtalaga ito ng mga opisyal na mamahala sa operasyon ng ahensiya sa Metro Manila, Luzon, Visayas at sa Mindanao.
Dahil dito kayat nilagdaan ni BI Commissioner Marcelino Libanan ang personnel order na nagtatalaga sa Chief ng Immigration Regulation Division (IRD), alien registration division (ARD) at intelligence division bilang overall immigration area directors for Luzon, Visayas at Mindanao.
Si IRD chief Edgardo Mendoza ang siyang magsisilbing immigration director for Luzon, ARD chief Danilo Almeda for the Visayas; at intelligence chief Faizal Hussin for Mindanao.
Si BI technical staff chief Patch Arbas ang itinalaga naman bilang overall director for Metro Manila habang si BI executive director Franklin Littaua ang inilagay bilang chairman ng bureau’s decentralization and regionalization program.
Nauna nang inilunsad ng BI ang regionalization program kasabay ng pagtatayo ng immigration area offices (IAOs) sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Awtorisado ang IAOs na magsagawa ng serbiyso sa mga dayuhan na katulad ng ginagawa sa BI main office sa Manila at iba pang extension at satellite offices.
Dahil sa regionalization program kayat ang bureau’s intelligence, legal, enforcement, and visa functions ay naibahagi sa iba’t ibang IAOs.
Matatandaan na inaprubahan kamakailan ni Justice Secretary Agnes Devanadera ang rekomendasyon ni Libanan na itaas ang bilang ng IAOs mula 10 hanggang 16. (Gemma Amargo-Garcia)