MANILA, Philippines - Isang 54 -anyos na driver ang natagpuang patay sa loob ng kanyang minamanehong taxi kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Kinilala ang biktima na si Carlito Roncales, ng 19 Kingfisher Alley, Brgy. Batasan Hills Quezon City. Ayon kay Chief Insp. Benjamin Elenzano Jr, hepe ng QC Police Homicide Division, natagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng King of the Night taxi (TXL 457) na puting Vios dakong alas-3:10 ng umaga habang nakahimpil sa may 12th Avenue sa kanto ng Serrano Avenue, Brgy. Socorro ng lunsod.
Ayon kay Richard Estrada na habang siya ay umiinom sa loob ng Gringo Bar and Resto sa nasabing lugar ay nakarinig siya ng putok ng baril kaya’t nang siya ay lumabas para tingnan ito ay nakakita siya ng mga lalaking galing sa taxi na nakasuot lamang ng sando at blue t-shirt.
Hinala ng pulisya na baka pasahero ng biktima ang mga suspek at nag -away ang mga ito. Isinantabi ang anggulo ng holdap dahil sa intact ang pera at gamit ng biktima.
Gayunman, patuloy pa rin ang masusing pagsisiyasat sa kaso at ang pagkilala at pagtugis sa mga salarin.