MANILA, Philippines - Inirekomenda na ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong kidnapping, serious illegal detention, 8 counts ng kasong child abuse at anti-trafficking laban sa negosyanteng si Mariano Tanenglian, asawa nito at dalawang anak sa Quezon City Regional Trial Court (RTC).
Nag-ugat ang kaso matapos na kasuhan ang pamilya Tanenglian ng kanilang dating katulong na si Mary Jane Sollano,19, nang pagmamaltrato, serious illegal detention, slavery at frustrated homicide.
Batay sa 17 pahinang resolusyon ng panel na inaprubahan ni Chief State Prosecutor Jovencito Zuño sinabi nito na 8 bilang ng child abuse at kasong kidnapping ang isinampa sa pamilya dahil na rin sa napatunayan na 13-anyos pa lamang si Sollano nang irecruit ito ng pamilya at gawing katulong sa kanilang bahay sa #30 Biak-na-Bato St., Quezon City, mula umano nang mamasukan ang biktima ay hindi ito pinayagan na makalabas ng bahay at makipag-ugnayan sa kanyang pamilya.
Maliban dito ay nakatanggap din ng pisikal na pang-aabuso ang biktima, hindi pagbibigay ng tamang pagkain gayundin ay may insidente na kinuhaan ito ng hubo’t hubad nang mahuli na nang-uumit ng pagkain mula sa refrigerator.
Kinatigan din ng DoJ ang testimonya ng ama ng biktima na nagsabing hindi nya nakita ang anak simula taong 2004 at nalaman lamang ang kinasasapitan ng anak nang ipagtapat ng isa pang katulong ng pamilya Tanenglian na nakatakas ang ginagawang pagmamaltrato sa biktima.Kasunod na nito ang ginawang pagre-rescue kay Sollano. (Gemma Amargo-Garcia)