MANILA, Philippines - Patay ang isang 24- anyos na binata makaraang araruhin ng sinasakyan nito ang isang kongkretong pader, at steel gate ng isang tahanan maging ang isang sasakyan dito sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Dahil sa tinamong mga sugat, agad na nasawi ang biktimang si Redmond Papasia, ng Magnolia St., sa lungsod.
Nawasak naman ang concrete wall, steel gate, ng isang bahay na matatagpuan sa Sct. Reyes St., Roxas, gayundin ang isang Daewoo Espero (UHM-322) dito matapos mabundol ng Honda Civic (TLX-449) ng biktima.
Ang bahay ay nirepresent ng isang Jeffrey John de Leon, ayon kay PO3 Perlito Datu, may-hawak ng kaso.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente pasado alas-2 ng madaling-araw sa may harap ng nasabing tahanan.
Bago ito, sinasabing minamaneho ng biktima ang kanyang Honda Civic at tinahak ang Sct. Reyes patungong Sct. Chuatoco St., hanggang Magnolia St., kung saan pagsapit sa panulukan ng Hyacinth St., Brgy. Roxas ay biglang nawalan ito ng giya at aksidenteng sumalpok sa kongkretong pader at steel gate ng nasabing bahay.
Dahil mabilis ang takbo, dire-diretso pa ang sasakyan ng biktima papaloob ng bahay hanggang sa sumalpok muli ito sa nakaparadang sasakyan dito.
Ayon kay Datu, sa matinding pagkakabundol nagtamo ng malalang tama sa ulo at katawan ang biktima na siyang ugat upang agad itong masawi. (Ricky Tulipat)