Bistek at Joy, number 1 sa survey

MANILA, Philippines - Nangunguna ang tambalan nina Quezon City Vice Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista at Joy Belmonte sa pagka-alkalde at bise-alkalde ng Quezon City para sa halalan sa Mayo.

Ito ang lumitaw sa isang bagong survey ng Social Weather Station na isinagawa noong Disyembre 16-29 ng nakaraang taon.

Lumilitaw sa random sampling ng SWS na, karamihan ng mga respondent sa buong Quezon City na tinanong, 75 porsyento sa mga ito ang nagsabi na si Bistek ang sigurado nilang pipiliin magiging susunod na mayor ng lungsod kumpara sa apat pang ibang kandidato.

Pumangalawa nang malayo si Quezon City 2nd Dist. Rep. Annie Susano na nakapagtala naman ng siyam na porsyento (9%) at malayong puma­ngatlo si Mike Defensor na dating Presidential Chief of Staff ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nakapagtala lamang ng anim na porsyento (6%).

Sa nasabi ring survey ng SWS, si dating Mayor Ismael Mathay ay nakakuha ng limang porsyento (5%) at si Ariel Inton naman ay nakakuha ng tatlong porsyento (3%).

Ginawa ang survey noong Disyembre sa panahon na naglunsad ng “hate campaign” si Defensor laban kay Bautista. Ipinakita rin sa pinakahuling SWS survey na halos 90 porsyento ng mga residente ng Quezon City ang ayaw na sa mga tumatakbong “trapo” at istilo ng maruming pamumulitika.

Nanguna naman si Belmonte sa survey sa pagkabise-alkalde ng lungsod.

Nakapagtala ng 60 porsyento si Belmonte kontra sa mga katunggali nito na sina Babes Malaya na nakakuha lamang ng 19 porsyento at Aiko Melendez na 17 porsyento.

Show comments