MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng isang pamilya ang nasugatan makaraang gumuho ang tinutuluyan nilang lumang bahay habang nasa kahimbingan sila ng tulog, kahapon ng madaling-araw sa Parañaque City.
Ligtas na sa kapahamakan makaraang isugod sa San Juan de Dios Hospital si Karen De Jesus, 23, habang inoobserbahan naman dahil sa mas matinding pinsalang natamo ang iba pang biktimang sina Carlo, 45; at Ryan de Jesus, 18.
Sa pahayag ng pulisya, dakong alas-4 ng madaling-araw nang gumuho ang dalawang palapag na “ancestral house” ng mga De Jesus sa may Dongalo Village, Quirino Avenue, ng naturang lungsod.
Mahimbing na natutulog ang pamilya De Jesus nang bumigay ang luma nang bahay at matabunan ng mga debris ang mga biktima.
Ayon kay Karen de Jesus, nagkaroon umano ng malalaking bitak sa konkretong poste ng bahay habang malaking bahagi ng mga sahig na yari sa kahoy ang nasira nang manalanta sa Metro Manila ang bagyong Ondoy.
Nais na sana nilang lumipat ng matitirhan ngunit hindi nila agad nagawa dahil sa kakapusan ng pera para pang-down-payment sa rerentahang bahay. (Danilo Garcia)