5-anyos utas sa ina
MANILA, Philippines - Nagawang paslangin ng isang ina na pinaniniwalaang nawala sa katinuan ang 5-anyos na anak nang pagsasaksakin ito, habang dalawa pa nitong kaanak ang nasugatan kamakalawa sa Taguig City.
Naaresto ng pulisya ang itinuturong salarin na si Annylyn Agutaya, ng Block 109, Lot 4, Sitio Imelda, Brgy. Upper Bicutan, Taguig.
Nakilala ang napaslang na paslit na si Zyron Agutaya na nagtamo ng saksak sa katawan, habang sugatan naman ang biyenan ng suspek na si Eufrocina Agutaya, 60; at hipag nitong si Jennelyn Agutaya, 26.
Sa ulat ng Taguig City police, naganap ang pananaksak dakong alas-2:30 kamakalawa ng hapon sa loob ng bahay ng mga Agutaya. Nasa kusina umano ang suspek nang mawala sa sarili, kumuha ng kutsilyo at agad na sinaksak ang musmos na anak.
Mabilis din namang sinaksak ng suspek ang biyenang babae at hipag na nabigla sa pag-atake sa kanila. Agad namang naka-res ponde ang ibang mga kaanak kung saan naawat ang suspek.
Sa imbestigasyon ng Taguig Women and Children’s Protection Desk, sinabi ni Chief Insp. Delia Jacob-Ingalla na wala pa sa sarili ang suspek makaraang magluwal ng ikalawa nitong anak isang linggo pa lamang ang nakararaan.
Ayon sa mga kasambahay ng suspek, naging sobrang tahimik ni Annylyn nitong Lunes ng umaga kung saan hindi man lamang sumasagot kahit tinatanong nila. Bigo rin naman ang mga imbestigador na makausap nang maayos ang suspek na nakatulala lamang o kaya ay bigla na lamang ngumingiti.
Dinala na ang suspek sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong City upang masuri ito.
- Latest
- Trending