Big projects sa Quezon City tatapusin bago mag-June 30
MANILA, Philippines - Nais ni Quezon City Mayor Feliciano Belmonte Jr. na makumpleto ang lahat ng major infrastructure projects sa lungsod bago matapos ang kanyang termino sa June 30.
Sa kanyang New Year’s message sa Quezon City Hall employees, sinabi ni Belmonte na mahalagang pagtuunan ng pansin ng pamahalaang lungsod ang proyektong kailangan upang masiguro ang maayos na paninirahan at paghahanapbuhay sa lungsod.
Sa kasalukuyan, tinatapos na ang finishing touches sa pangalawang QC underpass sa Quezon Memorial Circle kabilang na ang pagsasaayos sa 26-hectare na Quezon Memorial Circle (QMC) Park.
Pinasinayaan ni Mayor Belmonte ang pangalawang underpass noong Disyembre 23 na nag-uugnay sa Commonwealth gate ng QMC patungong Phil. Coconut Authority (PCA) building. Naglalaan ang pamahalaang lungsod ng halagang P86 milyon para sa konstruksyon ng tunnel na may habang 75 metro at luwang na 8 metro.
Ayon kay Belmonte, isa itong achievement ng lungsod na dapat ipagmalaki ng lahat.
Kabilang sa priority projects ng pamahalaang lungsod ng Quezon na tatapusin ang bagong medical center sa QC General Hospital (QCGH) na ayon kay Belmonte ay “one of the city government’s biggest vertical projects.”
Ang hospital building na itinayo sa three-hectare portion ng QCGH property sa Barangay Bahay-Toro ay bahagi ng patuloy na pagnanais ni Belmonte na maihanay ang ospital sa mga world-class health care facility.
- Latest
- Trending