Sekyu binoga ng karelyebo
MANILA, Philippines - Masuwerteng nakaligtas sa tiyak na kamatayan sanhi ng tinamong apat na tama ng bala sa kanyang katawan ang isang security guard makaraang pagbabarilin siya ng kapwa niya sekyu na karelyebo sa duty, kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.
Inoobserbahan pa rin naman ng mga manggagamot sa Victor Potenciano Medical Center sanhi ng mga tama ng bala sa kaliwang bahagi ng dibdib, kanang balikat, braso at hita ang biktimang si Ruben Gardon, 43, security guard ng Golden Beret Security Agency at nakatalaga sa J.G. Summit Petro Chemical Cybergate Bldg., sa Pioneer St., ng naturang lungsod.
Mabilis namang tumakas ang suspek na si Isidro Obungin, ng De Marco, Parañaque City. Bitbit nito ang baril na kalibre .38 rebolber na ginamit nito sa pamamaril.
Sa ulat ng Mandaluyong police, dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa loob ng Cybergate Bldg., sa Pioneer Street. Nabatid na hahalili na si Obungin kay Gardon sa pagdu-duty ngunit napansin ng huli na nasa impluwensya ng alak ang una.
Nagmagandang-loob naman ang biktima nang pagsabihan ito na huwag nang mag-duty dahil sa nakainom ng alak ngunit sa halip na magpasalamat ay minasama pa ito ng suspek. Nauwi ito sa pagtatalo hanggang sa magbunot ng baril ang suspek at apat na beses na pinaputukan ang biktima.
Sinabi pa ni Gardon nagpanggap siya na patay na nang malugmok sa semento upang tigilan na siya ngunit itinutok pa ni Obungin sa kanyang ulo ang baril na masuwerteng hindi pumutok ang baril sa dalawang beses na pagkalabit ng suspek. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending