Protest caravan vs RFID, umarangkada
MANILA, Philippines - Nagsagawa ng isang ma lawakang kilos protesta ang ibat ibang grupo sa harapan ng gusali ng Department of Transportation and Communication (DOTC) upang kondenahin ang ahensiya at ang Land Transportation Office (LTO) kaugnay ng ginawang pag-implementa sa Radio Frequency Identification Device (RFID) para sa lahat ng irerehistro sa LTO.
Mula sa Quezon City Circle, sinimulan ang protest caravan sa kahabaan ng East Avenue at Edsa papuntang DOTC office sa Mandaluyong City ng mga kasapi at opisyales ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), Proton na kinabibilangan ng jeepney drivers at operators , Bangon Transport na kinasasapian ng mga truckers, taxi, tricycle, bus at jeep gayundin ang Bayan Muna, Gabriela na pinangunahan ni Rep Liza Masa, Anakpawis at Private Motorist Againts RFID para tuligsain ang DOTC at LTO sa naturang hakbang .
Sa ginawang protesta sa DOTC, binanggit ni Goerge San Mateo, secretary general ng Piston na illegal, unconstitutional, money making at dagdag pahirap lamang ang naturang hakbang at walang legal na aksiyon hinggil dito ang National Economic Development Authority (NEDA).
Sinabi naman ni Liza Masa, na may naisampa na siyang resolusyon sa Kongreso para imbestigahan ang legalidad ng RFID. Hinimok din ni Masa ang taumbayan laluna ang mga motorista na huwag munang magbayad ng RFID fee kung magpaparehistro dahil hindi pa tapos ang usapin hinggil dito.
Sa panig naman ng DOTC, sa isang panayam, sinabi ni DOTC Spokesman Thompson Lantion na naipaalam ng LTO sa NEDA ang usapin tungkol sa RFID pero hindi nila alam kung anu ang desisyon hinggil dito bagamat naipatutupad na ang pagkolekta ng RFID fee sa mga motorista kapag nagrehistro ng sasakyan sa LTO. (Butch Quejada at Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending