MANILA, Philippines - Isang hindi pa nakikilalang lalaki na biktima rin ng stampede sa prusisyon ng Itim na Nazareno ang tuluyan nang binawian ng buhay kamakalawa ng gabi habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan, sa Quiapo, Maynila.
Dakong alas-7:00 ng gabi , noong Linggo nang ideklarang patay sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang inilarawan sa edad na 32 -38 anyos, may taas na 5’10, payat ang pangangatawan at nakasuot ng kulay asul na t-shirt na may tatak na “BEARS”.
Sa ulat ni Det. Jaime Gonzales Jr. ng Manila Police District-Homicide Section, alas- 2:30 pa ng hapon noong Sabado, sa kalagitnaan ng prusisyon, ay umakyat sa karosa ang biktima at nang mahawakan ang Poong Nazareno ay bumaba na ito subalit nawalan umano ng balanse at bumagsak sa semento hanggang sa natapak-tapakan na ng dagsang tao.
Isinugod pa siya sa nasabing ospital nang walang malay subalit matapos ang mahigit 24 oras ay natuluyang mamatay.
Sa naging pahayag ng isang Anthony Granados, 42, Health and Safety Officer ng Minor Basilica ng Black Nazarene, marami ang nakakakilala sa mukha ng biktima bilang deboto ng Nazareno subalit hindi alam ang pangalan.
Inilagak na sa Cruz Funeral Homes ang biktima upang doon kilalanin ng mga kaanak. (Ludy Bermudo)