MANILA, Philippines - Pinatawan ng parusang tatlong buwang pagkakulong ng isang huwes ng Pasay City Regional Trial Court si Vice-Mayor Antonino Calixto at pito pang konsehal dahil sa kasong contempt na nag-ugat sa hindi pagsunod sa kautusan ng hukuman.
Bukod dito, pinagmumulta rin ng tig-P20,000 ni RTC Branch 117 Judge Eugenio Dela Cruz sina Calixto, Councilors Richard Advincula, Maria Luisa Petalio, Reynaldo Padua, Ian Vendivel, Imelda-Calixto-Rubiano, Arnel Arceo at Antonia Cuneta.
Binigyan naman ng 10-araw na palugit ni Dela Cruz ang walo na magsumite ng kanilang tugon sa kautusan bago ito ipatupad.
Sa rekord ng korte, nag-ugat ang contempt kina Calixto nang magsampa ng kaso ang Young Builders Corp. laban sa lahat ng lokal na opisyales ng pamahalaang panlunsod ng Pasay kabilang na si Mayor Wenceslao Trinidad ukol sa nahintong kontrata sa pagtatayo ng bagong gusali ng City Hall.
Pumabor naman si Dela Cruz sa YBC matapos na magpalabas ng Temporary Restraining Order na pumipigil sa alkalde, bise alkalde at mga konsehal na kanselahin ang multi-milyong kontrata sa pagtatayo ng bagong gusali pati na ang paglalabas ng committee report.
Sa halip namang tumugon sa utos ng korte, naghain pa ng petisyon sina Calixto na humihiling na bitawan na o mag-inhibit sa kaso si Judge Dela Cruz na tinanggihan naman ng hukom noong Disyembre 14, 2009 dahil sa kawalan ng merito.
Nakasaad pa sa dalawang pahinang kautusan ng korte na ang hindi pagsipot ng bise alkalde at mga kaalyadong konsehal sa mga itinakdang pagdinig ay malinaw na wala na silang hangaring tumugon sa kautusan na malinaw na pagbalewala o indirect contempt. (Danilo Garcia)