30-anyos na lalaki, dinedo ng pamangkin
MANILA, Philippines - Isang 30-anyos na lalaki ang pinatay sa saksak ng kanyang sariling pamangkin matapos umanong tangkain ng una na awatin ang huli sa pakikipag-away kahapon sa Pasay City.
Patay na nang idating sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Edwardo Concepcion, ng P. Manahan St., ng naturang lungsod sanhi ng tina mo nitong malalalim na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito. Kasalukuyan namang nakakulong sa detention cell ng Pasay City Police ng suspek na kinilalang si Eugene Renozo, alias “Batotoy”, 18, binata at naninirahan sa nabanggit na lugar.
Batay sa ulat, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng hapon sa kahabaan ng P. Manahan St., Pasay City.
Bago maganap ang pagpatay, magkasamang nag-iinuman si Renozo at ilang kaibigan nito, sandaling nagpaalam ang suspek at pinuntahan nito ang kaibigang si Rafael Alberto, 21, upang magsanla ng kanyang relo at kwintas subalit hindi umano napagbigyan ni Alberto ang suspek dahil wala pa itong pera na siya namang ikinagalit ng suspek.
Nagwala umano ang suspek at tinangka nitong hatawin ng tubo si Alberto, subalit tiyempo namang napadaan sa naturang lugar ang tiyuhin at inawat nito ang pamangking si Renozo.
Nakatikim din ng sermon ang suspect sa tiyo dahil sa paglalasing nito, nagalit umano ang suspect kung saan kumuha ito ng patalim at agad na inundayan ng saksak ang tiyuhin.
Tinangka pang isugod sa naturang pagamutan ang duguang biktima ng mga nagrespondeng barangay tanod subalit hindi na ito umabot nang buhay. Hindi naman nakapalag ang suspek ng ito ay arestuhin. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending