Tanod tinodas ng kabaro

MANILA, Philippines - Patay ang isang 40-anyos na barangay tanod makaraang barilin ng kapwa niya tanod kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Ang nasawi ay kinila­lang si Eduardo Abana, ng Barangay 4, Zone, 1, re­si­dente ng #424-I Padre Ortega St., Tondo.

Nagtatago umano ang suspek na kinilalang si Rogelio Lipalam, 40, kasa­mahang tanod ng biktima at kapitbahay din nito.

Sa ulat ng pulisya, na­ganap ang insidente da­kong alas-12:45 ng mada­ling-araw sa Plaza Her­nan­dez sa harap ng Sto. Niño Church, sa Tondo.

Una rito, nag-away umano ang biktima at suspek hinggil sa pagro­ronda sa lugar subalit agad namang naawat ng mga kasamahang tanod na kasamahang naka-duty.

Ilang minuto lamang ay nakarinig umano ng putok ng baril hanggang sa na­tuklasang may tama na ng bala sa batok ang biktima na nakabulagta sa kalye. Sinasabing inatake ito ng suspek habang patungo sa barangay outpost, malapit sa Tondo Fire Station.

Mabilis umanong tu­ma­kas ang suspek bitbit ang di pa batid na kalibre ng baril na ginamit sa pamamaril.

Nangako naman uma­no ang kanilang Punong Barangay na si Dick Del Rosario Wilson, na isu­suko ang suspek kung matutu­koy ang pinagta­taguan. (Ludy Bermudo)

Show comments