MANILA, Philippines - Nabulabog ang daang tenants ng may 22 palapag ng gusali sa lungsod Quezon, matapos na isang kahong regalo na naglalaman ng hinihinalang bomba na dapat sana ay para sa isang negosyante ang natuklasan dito kahapon ng tanghali.
Dahil dito, pansamantalang natigil ang gawain ng mga kawani sa iba’t ibang tanggapan ng Presidential Tower Residence na matatagpuan sa Timog Avenue, corner Sct. Ybardolaza Brgy. South Triangle sa lungsod nang umugong ang ingay na may bombang tinangkang pasabugin dito.
Ayon kay Police Insp. Arnulfo Franco, hepe ng District Bomb Disposal unit ng QCPD, natanggap nila ang tawag na may bomba mula sa guwardiya pasado ala-1 ng hapon at agad silang rumesponde at na-neutralized ang bomba para mapigilan ang pagsabog.
Sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente pasado alas-12 ng tanghali nang isang regalo ang natanggap ng mga kawani sa One Drop Design Office na matatagpuan sa ika-22 palapag ng nasabing gusali.
Ayon kay Yen Marcelino, building administrator, ang regalo na naka-gift wrapped umano ay naka-address kay Maria Jose Bautista, anak ng may-ari ng New San Jose Builders Development na nag-oopisina sa nasabing gusali.
Sinasabing nang matanggap ni Bautista ang nasabing regalo ay may isang note na may nakasulat na “Paki tawagan mo na muna ang number na ‘yan bago mo buksan” na siyang pinagdudahan ng una kung kaya ipinasya nitong sirain na lamang ang kahon kung saan bumulaga sa kanya ang hinihinalang bomba.
Sa loob ng kahon ay may nakitang isang cellphone na may nakakabit na detonating cord, at botelya na naglalaman ng isang uri ng substance na siyang ugat upang maalarma si Bautista at agad na iniutos sa guwardiya na ipababa ito sa ground floor ng gusali at saka tumawag ng awtoridad.
Hinihinala ng pulisya na posibleng ang target ng pagpapasabog ay si Bautista at kung nagawa niyang tawagan ang ibinigay na numero ay maaring sumambulat ito at malaking pinsala ang inaasahang mangyayari.