MANILA, Philippines - Patay ang isang kagawad ng pulisya makaraang ratratin ng hindi nakikilalang salarin habang ang una ay nagsasagawa ng surveillance sa isang lugar sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang nasawi na si PO2 Dennis Dadea, 35, nakatalaga sa Police Community Precinct 3 ng Quezon City Police at residente ng Dantes Compound, Balintawak sa lungsod.
Patuloy naman ang pangangalap ng impormasyon ng Criminal Investigation and Detective Unit (CIDU) ng QCPD upang matukoy ang salarin.
Base sa ulat ni PO3 Rodel Tumanday, nangyari ang insidente sa may Sitio Pajo, Brgy. Baesa sa lungsod pasado alas -5 ng hapon.
Ayon sa residenteng si Jovelyn Rueda, nasa loob siya ng kanyang bahay nang makarinig siya ng mga putok ng baril mula sa labas at nang kanyang tingnan ay nakita na lamang niya ang biktima na duguang nakabulagta sa daan.
Sinasabing nagsasagawa umano ang biktima ng surveillance laban sa lawless elements sa lugar nang mangyari ang naturang pamamaril.
Ayon pa sa ulat, matapos ang pamamaril, kinuha pa ng suspek ang service firearm ng bik tima, bago tuluyang tumakas.
Sa pagsisiyasat, narekober sa lugar ang dalawang piraso ng basyo ng kalibre 45 baril na pinaniniwalaang ginamit ng suspek sa pamamaril sa biktima.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy kung sino at ano ang motibo sa pamamaslang. (Ricky Tulipat)