Taong 2009 naitala ng LRTA ang all-time high sa pasahero
MANILA, Philippines - Nakapagtala ng “all-time high record” ang taong 2009 sa dami ng mga pasaherong sumakay sa Light Rail Transit Line 1 (Baclaran-Monumento).
Sinabi ni LRTA Administrator Melquiades Robles na may kabuuang 149.44 milyong pasahero ang kanilang naitala sa Line 1 na dumaig sa may 15 taon nang rekord na 145.83 milyon noong 1994.
Dahil dito, sinabi ni Robles na matatawag nang totoong alternatibong transportasyon sa Metro Manila ang LRT sa mga masa at sa mga nasa “middle class”.
“They have really learned to patronize the LRT systems. In fact, our ridership record remained high even during those times when fuel prices were low,” ayon kay Robles.
Kabilang umano sa mga rason kung bakit mas tinatangkilik ngayon ang train system ay dahil sa patuloy na pagdami ng sasakyan sa kalsada, pagtaas ng halaga ng petrolyo, pagkamulat sa pangangalaga sa kalikasan, pagdaragdag nila ng train units at mas mababang pasahe.
Ipinagmalaki naman ni Robles ang ginawa nilang rehabilitasyon sa mga tren na hindi magamit sa loob ng 15 taon upang madagdagan ang kanilang mga units at pagsasaayos ng kanilang mga istasyon.
Pinakamataas naman ang naitalang 582,989 pasahero sa iisang araw noong Enero 9, 2009 sa Pista ng Itim na Nazareno.
Ngayong taon, inaasahan naman na lalo pang tatangkilikin ng mga pasahero ang LRT train system sa pag-uumpisa ng operasyon ng LRT North Extension na posible ngayong Pebrero. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending