MANILA, Philippines - Natuluyang masawi ang isang 31-anyos na call center agent matapos maglaslas sa loob ng comfort room ng ospital, sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Natagpuan na hawak pa ang kutsilyong ginamit sa paglalaslas ng pulso ng biktimang si Rommel Velas, binata, ng #5 Yakal St., Marieta Romeo Village, Sta. Lucia, Pasig City, sa loob ng comfort room ng Room 543, 5th floor RCB 1, sa Philippine General Hospital (PGH) sa Ermita, Maynila.
Sa ulat ni Det Edgardo Ko ng Manila Police District -Homicide Section, hinihinalang sa pagitan ng alas-12:30 hanggang ala-1:00 ng madaling-araw isinagawa ng biktima ang pagpapakamatay.
Nakita pa itong buhay bago mag-alas 12:30 ng madaling araw ng duty nurse na si Mark Erwin Garcia.
Ayon sa nurse, nag-routine inspection siya sa silid ng biktima at nakita niyang pumasok sa CR at narinig pa niyang nag-flush ito.
Dakong alas-2:00 ng madaling-araw nang magising si Harlan Velas, ama ng biktima, na wala sa kanyang higaan si Rommel kaya inalam kung nasa banyo subalit naka-lock ito kaya nagpatulong sa nurse na mabuksan ito.
Sa banyo tumambad ang duguang si Rommel na may laslas sa kanang pulso at laslas din sa leeg. Nasa kaliwang kamay naman nito ang ginamit na kutsilyo.
Ayon sa ama, may pahiwatig na umano ang anak na magpapakamatay nang naka-confine pa ito sa Medical City sa Pasig ng limang araw na inakala niyang pagbibiro lamang.
May sakit umanong pneumonia ang anak kaya ito natagalan sa ospital at inilipat pa sa PGH. (Ludy Bermudo)