Naarestong 3 holdaper pinalaya, 2 parak sinibak

MANILA, Philippines - Tinanggal sa kanilang pu­westo ang dalawang tauhan ng Pasay City police maka­raang pakawalan umano ang tatlong ‘pulis’ holdaper na nambiktima sa isang negos­yante, kamaka­lawa ng gabi sa Pasay City.

Ipinag-utos ni Pasay police chief, Sr. Supt. Raul Petra­santa ang “relief order” kina SPO4 Vitus Pomida at PO1 Adrian Ma­natad, kapwa naka­talaga sa Police Community Precinct 8. Pinagpapa­liwanag rin naman ni Petrasanta ang hepe ng dala­wang pulis na si P/Insp. Pru­dencio Lumapat dahil sa “command responsibility”.

Sa ulat na inilabas ng Pasay Station Investigation and Detective Management Section, dakong alas-11:55 ka­makalawa ng gabi nang holdapin ng anim na arma­dong lalaki si Amrodin Maka­silang, 42, habang binu­buk­san nito ang compartment ng kanyang kotse sa parking area ng Newport City sa Man­lunas st., Villamor Airbase.

Tinangay ng mga salarin ang P230,000 cash, mama­haling relos, at isang pares ng sapatos. Namataan naman ang pangyayari ng security guard ng lugar na siyang humingi ng saklolo sa PCP 8.

Agad namang rumes­ponde sina SPO1 Pomida at dalawa pang pulis na siyang umaresto sa tatlo sa mga suspek habang nakatakas ang tatlo pa. Dinala ang mga sus­pek sa PCP 8 ma­ging ang gamit nilang Isuzu Crosswind (SHP-331) ngunit sa loob ng istasyon ay nagpakila­lang mga pulis na sina SPO1 Wilfredo Aquino, PO3 Ruben Reyes at PO3 Ricardo Santos na pawang nakatalaga uma­no sa Intelligence Unit ng Northern­ Police District.

Kataka-takang pinaka­walan umano nina Pomida at ni Manatad ang tatlong sus­pek nang hindi nakikipag­koordinas­yon sa NPD Headquarters upang maberepika ang pagpa­pa­kilala ng mga ito na pulis.

Nagreklamo naman sa Pasay-SIDMS ang biktimang si Makasilang dakong alas-4:30 ng madaling-araw. Ipi­natawag naman ni Chief Insp. Joey Go­forth, deputy chief, si Pomida ngunit hindi umano ito tumalima nang malaman ang reklamo laban sa kanya. (Danilo Garcia)

Show comments