Bank executive biktima ng akyat-bahay gang
MANILA, Philippines - Mahigit sa P.7-M halaga ng mga alahas at pera ang natangay ng mga hindi kilalang akyat bahay gang mula sa isang prominenteng pamilya sa loob ng Corinthian Garden sa Quezon City.
Sa report ng Eastwood Police Station 12 ng Quezon City Police District (QCPD), ang insidente ay naganap sa pagitan ng Dec. 30 hanggang January 2 ng umaga ng pasukin ng akyat bahay gang ang bahay ni Adelbert Legasto, 62, Vice President for Investment ng Bank of the Philippine Island (BPI), ng Corinthian Garden, Brgy. Ugong Norte, Quezon City.
Ayon kay Chief Insp. Edwin Faycho, hepe ng Eastwood Police Station 12 ng QCPD, umalis umano si Legasto at ang asawa nito noong umaga ng December 30 patungong Boracay para doon mag-celebrate ng kanilang New Year.
Nang bumalik ang mag-asawang Legasto noong Enero 2 ng umaga ay napansin ng driver nito na bukas ang gate ng kanilang bahay at nang pasukin nila ito ay doon na tuklasang nawawala ang kanilang mamahaling mga alahas, jewelry box, mga antique na pera at cash.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Rogelio Basbas, nagawang makapasok ng mga salarin sa pamamagitan ng pagsira sa pintuan ng banyo kung saan sila dumaan patungo sa loob ng bahay. Nagtataka naman ang QCPD kung bakit sa bathroom ay may force entry gayung sa gate ay wala, posible umanong naiwan ng kanilang driver na bukas ang gate at napansin ito ng mga akyat bahay gang.
Sa ngayon patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kung may naganap na inside job dahil nakapasok umano ang mga salarin sa kabila ng mahigpit na seguridad na ipinatutupad sa nasabing subdibisyon. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending