MANILA, Philippines - Nahuli sa akto ang tatlong lalaki na nilalagare ang mga kable ng Philippine Long Distance Telephone Co. sa San Andres, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Insp.Edgardo Ronquillo, hepe ng Police Community Precinct-Dagonoy ang mga suspek na sina Renato Crisostomo, ng 2135 Primo Rivera St., Makati City; Jeffrey Balaba ng 4058 Kalayaan St., Makati City; at Patrick Romeo Rosales, ng 4707 Salchega St., Tenejeros, Makati City.
Ayon kay Ronquillo, nagpapatrulya ang mga tauhan niya nang madaanan ang mga suspek dakong alas 4:30 ng madaling-araw sa Oro B. San Andres, Maynila sa aktong nagpuputol ng kable ng PLDT.
Mabilis na inaresto ang mga suspek na nakuhanan ng tatlong lagareng bakal at nakarolyong mga kable ng telepono na tinatayang aabot sa halagang P100,000. (Ludy Bermudo)