MANILA, Philippines - Natatakpang mga urinals o ihian para sa kababaihan ang kabilang sa mga mauunang proyekto ng Metro Manila Development Authority ngayong taong 2010.
Sinabi ni MMDA Chairman Oscar Inocentes sa isang panayam na itatayo nila ang mga urinals na may mga takip sa ilalim ng mga footbridge sa kalakhang Maynila.
Naisipan ng MMDA ang naturang proyekto kasunod ng tagumpay ng proyektong urinals para sa kalalakihan kung saan mas kokonti na ang mga lalaking nakikitang parang asong umiihi sa mga pader at poste. Titiyakin naman ng MMDA ang kalinisan ng mga urinals para sa mga babae upang hindi masalaula ang mga ito.
May panukala rin ngayong taon ang MMDA na lumayo sa dating kulay na “pink” ang Metro Manila at gawing “Metro Green”. Sa ilalim nito, makikipag-ugnayan ang MMDA sa mga “horticulturist, tree doctors, foresters at agriculturists” lalo na sa mga non-government organizations upang magbigay ng kanilang tulong at ekpertisya para sa ikatatagumpay ng programa.
Sa pamamagitan umano ng mas maraming tanim at puno, gaganda na ang Metro Manila at higit pa itong makakabawas sa polusyon. (Danilo Garcia)