Technician tumitig, kinatay
MANILA, Philippines - Lumuwa ang bituka nang mawakwak ang tiyan ng isang 23 anyos na glassware technician makaraang saksakin siya ng isang lalaking kanyang natitigan sa Tondo, Manila kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Randyl Panis, binata, ng 267 Area A, Gate 2, Parola compound, Tondo.
Hindi pa matukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan sa tumakas na suspek habang isinusulat ito.
Sa ulat ni Det. Jay Santos ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng Gate 2, Area A, Parola compound, Tondo.
Nakatayo umano ang biktima sa Gate 2 nang du maan ang suspek at napatingin sa huli ang biktima.
Posibleng minasama umano ang tingin ng biktima kaya sa pagbalik ng suspek ay armado na ito ng patalim at mabilis na sinaksak sa tiyan ang biktima na ikinaluwa ng bituka nito.
Mabilis na sumaklolo ang mga kapitbahay ng biktima at dinala siya sa ospital habang ang suspek ay mabilis na tumatakas. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending