MANILA, Philippines - Nadakip ng pulisya sa isang follow-up operation ang tatlong holdaper na kinabibilangan ng isang menor de edad habang tinutukoy din ang pagkakilanlan ng isang dalagita na sinasabing kasabwat nila sa panghoholdap sa isang pampasaherong dyip sa Sta. Cruz, Manila kahapon ng madaling-araw.
Nakapiit sa Manila Police District-Women and Children Concern Division ang mga suspek na sina Richard Dacanay, 18, ng 2701 Lico St., Tondo; Angelito Macabulos, 20, ng 2632 Lico St., Tondo at isang 15-anyos na pinangalanang “Jeff”.
Positibong kinilala ng mga biktimang sina Loridyn Centillas, 21; Daisilyn Undato, 19, at Jocelyn Almonicar, 20, pawang residente ng no. 21 ng Laong-laan St., Pajo, Caloocan City.
Sa ulat ni C/Insp Anita Araullo, hepe ng WCCD, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling araw sa loob ng isang pampasaherong jeepney sa panulukan ng Rizal Avenue at Tambunting Street sa Sta Cruz.
Sa salaysay ng mga biktima, sakay sila ng pampasaherong dyip nang sumakay ang isang babaeng pasahero pero hindi pa man nakakalayo ang sasakyan ay bigla nitong pinapara ang jeep at bumaba na nagdahilan na may nakalimutan siya.
Sa puntong iyon ay nakaabang naman sa madilim na bahagi ng Tambunting ang tatlong suspek na mabilis na sumampa sa jeepney pagbaba ng kasabwat na babae.
Agad umanong nagdeklara ng holdap ang tatlo at kinolekta ang tinatayang P5,000 cash at cellphone ng mga biktima.
Nang magsipulasan na ang mga suspek ay agad nagsumbong ang mga biktima sa nagrorondang barangay tanod na sina Ferdinand Lanon at Rodolfo de Guzman, kapwa sa Bgy 375 Zone 38.
Mabilis na nakipag-ugnayan ang mga tanod sa Bgy. 210 na pinamumunuan ni Chairwoman Josie Lozano na sinasabing kilalang residente niya ang mga suspek base sa paglalarawan ng mga biktima.
Nang maaresto ang mga suspek ay narekober pa ang natangay na Nokia N-70 series na pag-aari ng isa sa biktima subalit wala na ang natangay na cash.
Aminado ang mga tanod na takot ang mga jeepney driver sa bahagi ng Tambunting at hindi nagsasakay ng mga kalalakihan sa disoras ng gabi o madaling-araw dahil sa talamak na holdapan.
Naniniwala sila na dahil sa ginamit na babaeng nagpanggap na pasahero kaya nagkaroon ng pagkakataong makapangholdap ang mga suspek. (Ludy Bermudo)